ginisang siya ng ingay ng mga SUV at mga motorsiklong nagdaraan. kanina lamang ay kakaunti lamang sila. ngayo'y dumami na. tanghali na siguro. oras na para ang mga estudyante at mga empleyado ay mag-commute papunta sa kanilang paaralan o opisina. sa SLU o UB siguro, o kaya sa SM o sa Tiongsan.
gaya ng dati, nagising siyang walang unan o kumot na ililigpit. walang pyjamang huhubarin. walang kapeng hihigupin. walang pintuang bubuksan.
nagdaraan ang mga tao - iba't ibang uri ng taong may iba't ibang ugali, iba't ibang mukha, iba't ibang estado sa buhay. marahil may mataray, may pasensyoso, may magastos, may galante, may inggitera. mayroong matangkad, may nunal sa tabi ng mata, ilong, kilay, labi, may kulot, may kalbo. marahil isa sa kanila ay nakapagnakaw na ng cellphone, o nakapagbakasyon na sa US. may nagmamadali, may lakad pagong.
ngunit ni isa sa mga 'may' na ito ay hindi naglaan ng kapirangkot ng kanilang panahon para tumingin sa kanya - tumingin nang may awa. dahil ang mga tingin na nakakasalubong sa kanyang mga mata ay mga titig ng pandidiri, at pagkainis kung nakaharang man siya sa daan ng isang mahuhuli na sa kanyang klase.
lapitin siya sa mga langaw. kelan nga ba ako huling naligo? tanong niya sa sarili. inamoy niya ang tshirt na dating puti na ngayo'y itim na. hindi na niya maalala kung kelan at saan siya huling naligo.
tantsa niya, kulang kulang isang libo nang mga tao ang dumaan sa bahagi ng sidewalk na iyon na itinuturing niyang teritoryo, ngunit wala pang ni isang baryang may naka-side viewng mukha ni Rizal ang nag-'ting!' pag nalaglag sa kanyang basong lata.
tsk, isang araw na naman ba itong walang tsibog? gusto ko ng adobo!
nanghihinayang siya at hindi niya isinama si Akil. siguro pag kasama niya ito ay lalambot ang matitigas na puso at mapupuno ng barya ang kanyang lata. kung nasa tabi niya siguro si Akil ay mahahabag ulit ang isang Kano at magbibigay ng perang papel at sasabihing 'For your brother's milk..' gaya noong Pasko.
pero hindi na Pasko, tapos na ang Pasko, wala si Akil at walang Kano. puro mga Koryano lang.
biglang natanaw niya ang dalawang babaeng tila naglalakad patungo sa direksyon niya. may hawak silang puting bag.
pagkain! pagkain! magbibigay sila ng pagkain! bulalas niya.
nakangiting humarap ang dalawa, parehong nakasuot ng puting tshirt. sa tshirt ay mukha ng isang taong pamilyar dahil nakita na niya ito sa mga poster sa buong syudad.
eleksyon na no? nais niyang itanong sa dalawa.
inabutan siya ng isang styrofoam na may sticker ng mukha ng katulad ng nasa tshirt nila. hindi pa nila ito nailalabas mula sa puting bag ay amoy na amoy na niya ito.
adobo! yes! adobo!
sa wakas ay napagbigyan na niya ang kanyang sikmurang kanina pa nagpo-protesta sa kawalan ng laman.
ang mga nagsiakyatan sa sidewalk na iyon ay nagsisibabaan na. habang ang mga nagsibabaan kaninang umaga ay paakyat na.
uwian na siguro. haaaaay.
gaya ng dati, matutulog siyang walang unan o kumot na magagamit. walang pyjamang maisusuot. walang gatas na maiinom. walang pintuang maisasara.
eleksyon na naman. sana araw araw, eleksyon.
at araw araw, may adobo.